MANILA, Philippines — Sumosyo sa No. 4 spot ang Emilio Aguinaldo College matapos talunin ang Arellano University, 69-59, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Itinaas ng Generals ang kanilang baraha sa 8-8 katabla ang Lyceum Pirates sa ikaapat na puwesto para buhayin ang pag-asa sa Final Four.
Nadulas sa pang-pitong silya ang Chiefs sa kanilang 6-10 marka.
Nagtala si Harvey Pagsanjan ng 17 points, 8 rebounds at 3 assists para pangunahan ang EAC na nalampasan ang paghahabol ng Arellano sa fourth quarter
Nag-ambag si King Gurtiza ng 13 markers at may 10 points si Gelo Loristo para sa Generals na kinuha ang 59-50 kalamangan sa 6:21 minuto ng final canto.
Pinamunuan ni T-mac Ongotan ang Chiefs sa kanyang 14 points.
Samantala, isinama ng San Sebastian College-Recoletos sa bakasyon ang University of Perpetual Help System DALTA matapos kunin ang 83-72 panalo.
Humakot si Tristan Felebrico ng 18 points, 7 rebounds at 3 assists para sa 5-11 baraha ng Stags, habang bagsak ang Altas sa 6-11 marka.
Nag-ambag si Regz Gubat ng 15 points para sa Baste, habang may 14 at 12 markers sina Raymart Escobido at Paeng Are, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni Christian Pagaran ang Perpetual sa kanyang 16 points kasunod ang 14 markers ni rookie Mark Gojo Cruz.