MANILA, Philippines — Inilista ng Akari ang unang panalo sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference matapos biguin ang Galeries Tower, 28-30, 25-15, 25-16, 25-23, kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Grethcel Soltones ng 16 points mula sa 13 attacks, dalawang blocks at isang service ace para sa Chargers.
“Sinasabi ko lang sa mga teammates ko na wala pa kaming napapatunayan this conference at iyong sinasabi ni coach Taka (Minowa) na dapat may natututuhan everyday sa training kami kahit konti-konti,” ani Soltones.
Pinamunuan ni Ysa Jimenez ang Highrisers sa kanyang 17 points mula sa 16 attacks at isang block habang may 10 markers si Jewel Encarnacion.
Naagaw ng Galeries ang first set, 30-28, na kanilang kinuha sa loob ng 43 minuto bago bumida sa second at third frame sina Soltones, Ivy Lacsina at Faith Nisperos para sa 2-1 abante ng Akari.
Bumangon ang Highrisers mula sa 18-22 agwat sa fourth set para dumikit sa 23-24.
Ang hataw ni Eli Soyud ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Chargers, natalo sa nagreynang Creamline Cool Smashers sa nakarang PVL Reinforced Conference Finals.
Sisimulan ng Cool Smashers ang pagdedepensa sa korona sa Nobyembre 16 laban sa Petro Gazz Angels.