MANILA, Philippines — Kinopo ng Talk ‘N Text ang ikalawang sunod nitong korona matapos kaldagin ang Barangay Ginebra sa Game 6, 95-85, ng 2024 PBA Governors’ Cup finals kahapon sa harap ng 14,668 katao sa Smart Araneta Coliseum.
Binura ng Tropang Giga ang 11 puntos na deficit sa second half upang mapigilan ang tangka ng Gin Kings na makapuwersa sana ng Game 7 sa Ynares Sports Center sa Antipolo at madepensahan ang korona nito.
Kumamada ng 31 puntos si Best Import Rondae Hollis-Jefferson kabilang na ang 10 sa fourth quarter kung saan hinambalos ng TNT ang Ginebra, 29-11, para sa pambihirang panapos na bomba.
Kayod-kalabaw si Hollis-Jefferson, na 2-0 na ngayon kay resident Ginebra import at Gilas Pilipinas naturalized player Justin Brownlee sa PBA finals, na naglista rin ng 16 rebounds at 8 assists para sa muntikang triple-double na performance sahog pa ang 2 steals sa lagpas 47 minutong aksyon.
Umalalay naman sa kanya si Finals MVP Jayson Castro at Roger Pogoy na may tig-13 puntos habang may 12, 8 at 7 puntos sina Rey Nambatac, Calvin Oftana at Glenn Khobuntin, ayon sa pagkakasunod.
“It’s a good championship and we move on to the next one,” ani Chot Reyes sa kanyang ika-10 titulo na pinuri rin ang karibal subalit matalik na kaibigang si coach Tim Cone para sa pambihirang serye.
Napurnada ang career-high na 31 puntos ni super rookie RJ Abarrientos pati na ang 16 at 12 puntos nina Brownlee at Stephen Holt, ayon sa pagkakasunod, para sa Gin Kings.
Iniskor ni Abarrientos ang 18 sa kanyang kabuuang puntos sa second quarter kung saan tinunaw ng Ginebra ang maagang 10-point lead bago umalagwa lalo sa third quarter subalit nasayang din.