Pirates wagi sa Heavy Bombers; sinolo ang 4th spot

MANILA, Philippines — Tinakasan ng Lyceum of the Philippines University ang Jose Rizal Uni­versity, 82-80, para bu­hayin ang tsansa sa Final Four ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.

Pinaganda ng Pirates ang kanilang kartada sa 8-8 kasabay ng pagsibak sa Heavy Bombers na lag­lag sa 4-12 marka.

Opisyal na ring napatalsik ang San Sebastian Stags (4-11).

Tumipa si John Barba ng 20 points, 3 rebounds, 2 assists at 1 steal para sa Lyceum, habang may tig-18 markers sina Renz Villegas at Gyle Montaño.

Pinamunuan ni Joshua Guiab ang Jose Rizal sa kanyang game-high 27 points.

Kinuha ng Pirates ang 49-38 abante mula sa layup ni Montaño sa third period bago nakabangon ang Heavy Bombers at nakadikit sa 80-81 sa dulo ng fourth quarter.

Isang free throw ang ipinasok ni Mclaude Guadaña para sa 82-80 bentahe ng Lyceum kasunod ang mintis na three-point shot ni Shawn Argente sa huling possesyon ng Jose Rizal.

Sa ikalawang laro, du­miretso ang College of St. Benilde (13-2) sa pang-pitong sunod na rat­sada matapos kunin ang 83-78 panalo sa Letran College (7-9) para pa­lakasin ang pag-asa sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ bonus sa Final Four.

Show comments