‘Di na paaabutin ng TNT sa game 7

Hinabol ni TNT Tropang Giga import Rondae Hollis-Jefferson si Ginebra guard Maverick Ahanmisi sa Game 5 ng PBA Finals.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Isang tagay pa o tatapu­sin na?

Iyan ang malaking katanungang masasagot ngayon sa pagitan ng reig­ning champion Talk ‘N Text at challenger na Barangay Ginebra sa inaaba­ngang Game 6 ng 2024 PBA Governors’ Cup finals sa Smart Araneta Coliseum.

Bitbit ng Tropang Giga ang 3-2 abante at may tsansang matapos na ang best-of-seven series sa alas-7:30 ng gabi kontra sa misyon ng Gin Kings na mapahaba ito sa winner-take-all Game 7 sa Linggo sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Nakapuro ang mga bataan ni coach Chot Reyes sa kampeonato matapos ang kumbinsidong 99-72 panalo sa Game 5 na siyang matamis na higanti nila sa dalawang sunod na kabiguan upang malustay ang higanteng 2-0 bentahe.

Kung makakalusot uli, madedepensahan ng TNT ang trono at maisusukbit ang ika-10 titulo para samahan ang San Miguel (29), Ginebra (15), Alaska (14), Magnolia/Purefoods (14) at Crispa (13) sa listahan ng may lagpas 10 titulo sa PBA history.

Posible ring maging ika-10 kampeonato ito ni Reyes at ikalawang sunod kay two-time Best Import Rondae Hollis-Jefferson.

Subalit ayaw pangunahan ni Reyes ang lahat na aasahan ang matin­ding balikwas ng kanyang matalik na kaibigan subalit mahigpit ding karibal na si Tim Cone kasama ang resident import na si Justin Brownlee at ng buong Gin Kings.

Nangamote sa 8 puntos si Brownlee sa kanilang 27-point loss sa Game 5 kung saan sila natambakan ng hanggang 36 puntos kaya tulad ng sinasabi ni Reyes ay magpapasiklab ito para matulungan ang Gin Kings na makapu­wersa ng Game 7.

Show comments