Lady Spikers biyaheng Finals sa SSL volley
MANILA, Philippines — Abangers ang De la Salle University sa makakalaban nila sa best-of-three Finals ng 2024 Shakey’s Super League Collegiate (SSL) Pre-season Championship ito’y matapos patalsikin sa limang sets ang University of Santo Tomas, 26-28, 25-19, 25-20, 21-25, 15-13 sa knockout semifinals na nilaro Miyerkules ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.
Magpapaluan muna ang National University at Far Eastern University bukas ng alas-6 ng gabi para paglabanan ang huling slot sa finals at malaman na rin kung sino ang haharapin ng Taft-based squad sa Game 1 ng championship match sa Nobyembre 22.
Kinapitan ng Lady Spikers sina Shevana Laput at Angel Canino sa bandang dulo ng labanan sa fifth set para kalusin ang Golden Tigresses at manatiling malinis ang karta simula pa sa first round ng Group stage.
Tumikada ang 2023 National Invitationals Most Valuable Player na si Laput ng 19 points kung saan ay apat ang inambag niya sa deciding frame kasama ang back-to-back hits para sa Lady Spikers sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Nirehistro ni Canino ang 17 points kasama ang 16 kills para sa La Salle.
- Latest