St. Benilde kinaldag ang UP sa Shakey’s volley

Pinaluan ni Clydel Catarig ng CSB sina Yesha Noceja at Nina Ytang ng UP.
SSL photo

MANILA, Philippines — Papalo ng bola para sa battle for fifth place ang College of Saint Benilde matapos nilang kalusin ang University of the Philippines, 25-19, 25-14, 25-20, sa first phase ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate)Pre-season Championship classification round na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.

Hinarurot ng three-peat NCAA champions Lady Blazers ang Fighting Maroons para tapusin ang laban sa 79 minuto lang matapos magliyab sa opensa sina Clydel Catarig, Mycah Go at Grace Borromeo.

Isa rin sa susi sa panalo ng Lady Blazers si setter Cheanae Basarte na epektibo ang pagpapamahagi ng bola sa kanyang mga spikers kaya naman naging mabilis ang bakbakan sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.

“Sa amin naman ginagawa namin ‘yung trabaho namin bilang kami lang ang NCAA team na pumasok (sa playoffs). Gusto namin makipagsabayan din kasi ‘yun ang trabaho namin,” ani Basarte, na nagtala ng 10 excellent sets. “Iniisip namin na makakatulong ang Shakey’s (Super League) pagpasok sa NCAA,”.

Kumana si Catarig ng walong puntos, lahat ay galing sa kills, may pito si Borromeo habang sina Go, Cristy Ondangan at Zamantha Nolasco ay bumakas ng tig-anim na puntos para sa Jerry Yee-mentored squad.

Kakalabanin ng Saint Benilde College ang mananalo sa pagitan ng Ateneo de Manila University at University of the East para sa fifth place match.  

Show comments