MANILA, Philippines — Huling magpapasiklab ang defending champion Far Eastern University Cheering Squad (FEUCS) sa 2024 UAAP Cheerdance Competition na hahataw sa Disyembre 1 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa isinagawang drawing of lots kahapon sa Press Center ng MOA Arena, nabunot ng FEU Cheering Squad ang No. 8 kung saan ito ang pinakahuling magpe-perform.
“Happy kasi ‘yun ‘yung gusto namin [to perform eighth]. Kasi sa nine years ko sa CDC, hindi pa ko nag-eighth. Lagi akong fourth, fifth, sixth, o seventh, naglalaro lang do’n, but never eighth. Siguro si God na nagbigay ng hiling namin this time,” ani FEUCS head coach Randell San Gregorio.
Unang masisilayan ang Ateneo de Manila University Blue Eagles kasunod ang University of the East Pep Squad at ang eight-time champion University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe.
Pinakahuli sa first half ang Adamson University.
Sisimulan ang second half ng season host University of the Philippines Pep Squad kasunod ang powerhouse National University Pep Squad na desididong mabawi ang korona nito.
Ikapitong magpapakitanggilas ang De La Salle Animo Squad bago ang inaabangang title-defense ng FEU Cheering Squad.
Target ng FEU Cheering Squad na maitarak ang back-to-back titles at ikalimang korona sa liga.
“Alam na nila ‘yung feeling na tumapak sa mats and it should bring them confidence. Pero other than that, every year, new team, new theme. Hindi naman kami nag-uulit. Siguro ang pinakamaganda nilang madadala sa competition is nakapag-laro na sila; yun lang,” dagdag ni San Gregorio.