La Salle, UST bakbakan para sa Finals slot

MANILA, Philippines — Ibabalandra ng unbeaten De La Salle University sina Angel Canino, Shavana Laput at Amie Provido pagharap nila sa University of Santo Tomas sa kanilang knockout semifinal showdown ng 2024 Shakey’s Super League Collegiate (SSL)pre-season Championship ngayong araw sa Rizal Memorial Coliseum.

Inaasahang itotodo ng Lady Spikers at Golden Tigresses ang kanilang lakas upang makuha ang inaa­sam na panalo at sumampa sa championship round.

Ikakasa ang paluan ng Lady Spikers at Golden Tigresses sa alas-6 ng gabi pagkatapos ng labanan sa pagitan ng College of Saint Benilde at University of the Philippines sa alas-3:30 ng hapon sa kanilang classification match.

Wala ng bukas ang tapatan ng DLSU at UST, ang kumurap ay mag-iimpake na sa nasabing tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.

Umusad ang Lady Spi­kers at Golden Tigres­ses sa do-or-die semis pagkatapos nilang manalo sa magkahiwalay na laban sa quarterfinals sa second round.

Pinalo ng Taft-based squad ang 25-18, 25-20, 20-25, 20-25, 17-15 panalo laban sa archrival Ateneo de Manila University sa quarters noong Linggo, habang sinakmal naman ng Golden Tigresses ang ang University of the East, 25-22, 25-21, 25-21.

Show comments