MANILA, Philippines — Umusad sa semifinals ang University of Sto. Tomas matapos kalmutin ang University of the East, 25-22, 25-21, 25-21, sa 2024 Shakey’s Super League collegiate pre-season championship sa Rizal Memorial Coliseum noong Linggo.
Lubog ng anim na puntos sa third set, lumabas ang bangis ng Golden Tigresses sa tulong nina Angge Poyos at Regina Jurado para akbayan ang UST sa panalo at harapin sa semis ang undefeated na De La Salle University.
Kumana si Poyos ng 10 sa kanyang 15 points sa third frame at bumakas si Jurado ng 12 markers kasama ang walong spikes, tatlong aces at isang block para sa UST.
“Inisip lang namin na i-compose ang sarili namin kasi nga malaki ang lamang ng kalaban. Iyong consistency all throughout the game ‘yun talaga ang pinanghahawakan namin and ‘yung communication sobrang importante talaga,” ani Poyos.
Inirehistro ni Jelai Gajero ang 18 points na hindi sapat upang ipanalo ang Lady Warriors na lumanding sa classification phase sa torneong suportado ng Smart Sports, PLDT Fibr, Mikasa, Asics, Rebel Sports, Eurotel, Victory Liner, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC) at SM Tickets bilang technical partners.
Swak din sa semis ang nagdedepensang National University matapos kaldagin ang University of the Philippines, 25-12, 25-22, 25-17, sa kanilang quarterfinal clash.
Inaabangan ng mga volleyball fans ang paghaharap muli ng NU at FEU.