Heat sinunog ang Wizards sa Mexico

Ang two-handed slam dunk ni Bam Adebayo ng Heat laban kay Alex Sarr ng Wizards.
STAR/File

MEXICO CITY — Inis­kor ni Bam Adebayo ang 20 sa kanyang 32 points sa first half at pinabagsak ng Miami Heat ang Wa­shington Wizards, 118-98, sa14th NBA regular-season game dito sa Mexico.

Nagdagdag din si Adebayo ng 14 rebounds para sa Heat (3-2) habang may 18, 15 at 12 markers sina Jimmy Butler, Tyler Herro at Terry Rozier, ayon sa pagkakasunod.

Binanderahan ni Bilal Coulibaly ang Wizards (2-3) sa kanyang 22 points kasunod ang 21 markers ni Jordan Poole at 17 points ni Alexandre Sarr.

Kumamada si Herro ng limang puntos sa inihulog na 13-3 bomba ng Miami sa second quarter para sa kanilang 51-34 kalamangan sa huling apat na minuto nito.

Hindi na nakabangon ang Washington sa second half.

Sa Milwaukee, kumamada si Donovan Mitchell ng 30 points kasama ang game-winning jumper sa 114-113 pagtakas ng Cleveland Cavaliers (7-0) sa Bucks (1-5).

Sa Denver, nagtala si Nikola Jokic ng 27 points kasunod ang 20 markers ni Michael Porter Jr. sa 129-103 paggupo ng Nuggets (3-3) sa Utah Jazz (0-6).

Sa Phoenix, tumipa si Devin Booker ng 28 points, 9 rebounds at 9 assists para pamunuan ang Suns (5-1) sa 103-97 pagsunog sa Portland Trail Blazers (2-3).

Show comments