Lady Tams, Lady Spikers pumuwesto na sa Final 4 ng Shakeys’ volley
MANILA, Philippines — Sinandalan ng Far Eastern University sina Chenie Tagaod, Alyzza Devosora at Gerzel Petallo upang patalsikin ang College of Saint Benilde, 21-25, 25-20, 25-17, 25-17, sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate (SSL) Pre-season Championship quarterfinals na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.
Swak sa Final Four ang Lady Tamaraws na may tangan na twice-to-beat advantage matapos payukuin ang Lady Blazers sa apat na sets sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R at B Milk Tea at Summit Water.
Nag-aabang ang FEU ng makakalaban sa semis dahil nagbabanatan pa ang three-peat-seeking at National Invitationals champion National University at ang University of the Philippines.
Nalasap ng Saint Benilde ang pang-apat na sunod na kabiguan kaya lumagpak sila sa classification round ng kompetisyon na katuwang ang Smart Sports, PLDT Fibr, Mikasa, Asics, Rebel Sports, Eurotel, Victory Liner, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), at SM Tickets bilang technical partners.
Umiskor sina Devosora at Tagaod ng tig-15 points, parehong mga gunners na pumalo ng tig-14 attacks para sa FEU, ang runner-up sa 2024 National Invitationals.
Nagtala si Petallo ng 10 markers habang anim na puntos ang kinana ni Clarisse Loresco para sa Lady Tamaraws.
Samantala, pumuwesto rin sa semis ang De La Salle University nang manaig sa Ateneo de Manila University, 25-18,25-20, 20-25, 20-25, 17-15, sa ikalawang laro.
Ang SSL games ay mapapanood ng live sa Puso Pilipinas, SMART Livestream, Solar Sports Channel 70 on Sky Cable at Channel 59 on Cable Link.
- Latest