MANILA, Philippines — Matikas ang arangkada ng national juniors gymnastics team na nagbulsa ng anim na gintong medalya sa 3rd JRC Artistic Gymnastics Championships na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Bumandera para sa Pinoy gymnasts si Karl Eldrew Yulo — ang nakababatang kapatid ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel Yulo — matapos sumiguro ng ginto sa Men’s Artistic Gymnastics (MAG) Junior Individual All-Around Event.
Bahagi rin si Yulo ng national juniors team na nakapilak sa team all-around event.
Susubukan pa ni Yulo na humirit ng gintong medalya sa apparatus — parallel bars, vault, floor exercise at still rings.
Maningning din si Jacob Alvarez na humataw ng limang ginto at dalawang pilak na medalya sa pre-junior division.
Nakasungkit si Alvarez ng ginto sa individual all-around, vault, floor exercise, horizontal bars at still rings.
Nagkasya naman ito sa pilak sa pommel horse at parallel bars.