Play-in tournament gagamitin sa PVL

MANILA, Philippines —  Kagaya sa National Basketball Association (NBA), magkakaroon din ang Premier Volleyball League (PVL) ng isang play-in tournament para sa nalalapit na 2024-25 All-Filipino Conference.

Ayon sa tournament format, ang mga talunang koponan sa qualifying round ay may tsansa pang makapasok sa playoffs sa pamamagitan ng play-in tourney.

Magkakaroon ang nasabing torneo ng Group 1 na binubuo ng mga tropang magiging Rank 7, Rank 10 at Rank 11 habang ang Group 2 ay binubuo ng Rank 8, Rank 9 at Rank 12.

Sasalang ang bawat grupo sa isang single round robin kung saan ang top teams mula sa Group 1 at 2 ang aabante sa playoffs.

Ang Group 1 winner ay uupong Rank 7 at ang Group 2 winner ay Rank 8.

Ang quarterfinals ay isang best-of-three series at ang mga mananalo ay dadaan sa isang round-ro­bin semifinals.

Ang championship series ay isa ring best-of-three series.

Opisyal na magbubukas ang PVL All-Filipino Conference sa Nobyembre 9 sa Philsports Arena sa Pasig City.

Unang magtutuos ang Akari at Galeries Tower sa alas-4 ng hapon kasunod ang banggaan ng 2023 finalist Choco Mucho at Petro Gazz sa alas:6:30 ng gabi.

Show comments