FEU, NU swak sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Sinuwag ng Far Eastern University ang quarterfinals incentives sa Pool F matapos kalusin ang University of the Philippines, 25-13, 23-25, 25-19, 22-25, 15-13 sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) collegiate pre-season championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.
Umiskor sina Chenie Tagaod at Faida Bakanke ng mga krusyal hits sa bandang dulo ng bakbakan ng deciding frame para masilo ng Lady Tamaraws ang pahirapang panalo at kumpletuhin ang three-game sweep sa second round.
Nasikwat din ng FEU ang top seeding sa crossover quarters at makakaharap nila ang No. 4-ranked squad sa Pool E sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.
Nasa likuran ng Lady Tamaraws ang No. 2 seed University of Santo Tomas na may 2-1 record habang lumanding ang Fighting Maroons, (1-2) sa No. 3 sa event na katuwang ang Smart Sports, PLDT Fibr, Mikasa, Asics, Rebel Sports, Eurotel, Victory Liner, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), at SM Tickets bilang technical partners.
Pinangunahan ni Bakanke ang opensa para sa FEU sa nilistang 16 points.
Samantala, hinablot ng defending champion National University ang huling quarterfinals twice-to-beat advantage sa Pool E matapos nilang kalusin ang University of the East, 25-14, 25-20, 25-17, sa unang laro.
- Latest