Mojdeh, Cabana, Quinto wagi ng MOS sa Japan

Behrouz Mohammad Madi Mojdeh.
Chris Co

MANILA, Philippines — Pinangalanan ang tatlong miyembro ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) bilang Most Outstanding Swimmers (MOS) sa kani-kanyang dibisyon sa 2024 Buccaneer Invitational Swimming Championships na ginanap sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.

Bumandera sa lista­han ng MOS winners si Kristian Yugo Cabana na umani ng kabuuang 49 puntos para masungkit ang MOS award sa boys’ 14-year division.

Nagbulsa ang Lucena City pride na si Cabana ng apat na ginto (400m IM, 100m freestyle, 100m butterfly at 200m IM), isang pilak (200m butterfly) at isang tanso (100m backstroke) upang masiguro ang unang puwesto sa kanyang kategorya.

Hindi rin nagpahuli si Immaculate Heart of Mary College-Parañaque standout Behrouz Mohammad Madi Mojdeh na nagrehistro naman ng 42 puntos upang angkinin ang MOS award sa boys’ 13-year class.

Umani si Mojdeh ng dalawang ginto sa 200m breaststroke at 100m breaststroke, isang pilak sa 400m IM at dalawang tanso sa 200m IM at 200m butterfly sa torneong nilahukan ng mahigit 600 tankers mula sa 16 teams na nagpartisipa.

Wagi rin ng MOS plum si Therese Annika Quinto sa girls’ 13-year kung saan nakakuha ito ng 40 puntos.

Galing ito sa isang ginto (200m backstroke), dalawang pilak (400m freestyle at 100m freestyle) at tatlong tanso (200m freestyle, 50m freestyle at 100m backstroke).

Kasama rin sa delegasyon sina Mikhael Jasper Mikee Mojdeh na may tatlong pilak at dalawang tanso, Clara Maligat na may isang tanso, Juancho Jamon na may isang pilak at isang tanso, at Athena Custodio na may isang tanso.

Show comments