MANILA, Philippines — Binasag ng reigning champion TNT Tropang Giga at crowd darling na Barangay Ginebra ang record gate-attendance sa Ynares Center sa Antipolo City sa Game One ng 2024 PBA Governors’ Cup Finals noong Linggo.
Nasaksihan ng 11,021 fans ang 104-88 panalo ng Tropang Giga sa Gin Kings para sa bagong crowd record.
Binura nito ang dating markang 10,952 sa quarterfinal double-header tampok ang Ginebra kontra sa Rain or Shine at Petron (San Miguel) kontra sa Meralco noong 2011-2012 Philippine Cup.
Sulit ang panonood ng mga fans sa first half nang magdikdikan ang dalawang magkaribal bago umalagwa sa third quarter ang Tropang Giga.
Inaasahan ang mas maraming fans na susugod bukas para sa Game Two ng best-of-seven finals sa Smart Araneta Coliseum na siyang magiging host hanggang Game Six bago bumalik sa Antipolo kung sakali para sa Game Seven.
Trumangko sa ratsada si Jayson Castro na pinatunayan ang kasabihang kalabaw lang ang tumatanda.
Bagama’t nagpakitang-gilas din ang mga inaasahang bida, iyan ang ipinaalala ng dating “Best Point Guard in Asia” para sa Gilas Pilipinas nang kumamada ng 14 points, 2 rebounds at 2 assists.
Ibinuhos ng 38-anyos na Kapampangan ang 12 sa kanyang total output sa 3rd quarter kung saan nakapagtayo ng 72-62 bentahe ang Tropang Giga patungo sa 16-point win.
Nakatambal ng 8-time PBA champion at 2-time Finals MVP bilang secret weapon ng mga bataan ni coach Chot Reyes ang first-time finalist na si Rey Nambatac na inilista naman ang 12 sa kanyang 18 points sa 4th quarter.