BROOKLYN — Bumanat si guard Cam Thomas ng 32 points para ihatid ang Nets sa 115-102 panalo sa Milwaukee Bucks.
Nagdagdag si point guard si Dennis Schroder ng 29 markers, 6 assists at 4 rebounds para sa kanilang 1-2 record.
Kinuha ng Brooklyn ang 83-78 abante bago tuluyang kumawala sa final frame tampok ang 11 points ni Thomas.
Humakot si two-time NBA MVP Giannis Antetokounmpo ng 22 points at 12 rebounds para sa Milwaukee na nalasap ang ikalawang dikit na kamalasan matapos manalo sa kanilang season opener.
Nag-ambag si Damian Lillard ng 21 points.
Sa Oklahoma City, itinala ng Thunder ang 3-0 marka matapos talunin ang Atlanta Hawks, 128-104.
Kumolekta si Shai Gilgeous-Alexander ng kumpletong 35 points, 11 rebounds, 9 assist, 3 steals at 3 blocks para sa OKC.
Sa Golden State, tumipa si James Harden ng 23 points at 11 assists, habang may 23 markers at 17 boards si Ivica Zubac sa 112-104 panalo ng Los Angeles Clippers sa Warriors.
Nagkaroon si Golden State star guard Stephen Curry ng left ankle injury sa fourth quarter at hindi na natapos ang laro.
Sa Philadelphia, humugot si Tyrese Maxey ng 10 sa kanyang 45 points sa overtime sa 118-114 pagtakas ng 76ers to sa Indiana Pacers.
Sa Portland, naglista si Jerami Grant ng 28 points kasunod ang 27 markers ni Anfernee Simons para tulungan ang Trail Blazers sa 125-103 pagpapabagsak sa New Orleans Pelicans.