MANILA, Philippines — Pinatunayan ng Constatic Offer ang husay nito sa banderahan matapos angkinin ang korona sa 1st Leg Juvenile Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Ginabayan ni class A rider O’Neal Cortez, inirehistro ng Constatic Offer ang tiyempong 1:11.6 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ni winning horse owner Antonio Tan ang P1,080,000 premyo.
Pinaarangkada ni Cortez ang Constatic Offer sa alisan upang hawakan agad ang bandera sa unang dalawang daang metro ng karera, habang nasa pangalawa ang Heartfelt at tersero ang La Luna.
Lumapit ang Heartfelt sa Constatic Offer sa kalagitnaan ng labanan at umungos ng nguso ang una pagdating sa far turn, habang nasa likuran ang La Luna, Easy Money at Midnight Bell.
Papalapit ng huling kurbada ay kumuha muli ng unahan ang Constatic Offer, habang malakas ang dating sa bandang labas ng La Luna at Midnight Bell
Mas tumindi ang bakbakan pagdating sa rektahan ng Constatic Offer, La Luna at Midnight Bell pero nanatili ang tikas ng winning horse.
Tinawid ng Constatic Offer ang finish line na may dalawang kabayo ang agwat kontra sa La Luna, Midnight Bell at Heartfelt.
Nasikwat ng second placer na La Luna ang P405,000, habang may P225,000 at P90,000 ang third at fourth placers na Midnight Bell at Heartfelt, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, siyam na karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya nasiyahan ang mga karerista.