Fajardo bandera sa BPC race

June Mar Fajardo ng San Miguel
STAR/File

MANILA, Philippines — Paborito uli si June Mar Fajardo ng San Miguel para sa isa namang Best Player of the Confe­rence award habang lider sa karera ng Best Import si Rondae Hollis-Jefferson ng reigning champion Talk ‘N Text papasok sa finals ng 2024 PBA Governors’ Cup.

Kumolekta ng 44.8 statistical points si Fajardo sa likod ng 21.0 puntos, league-best na 16.4 rebounds, 3.1 assists at 1.0 tapal sa 21 laro pagkatapos ng semifinals.

Tangan ni Fajardo ang 10 BPC plums, pinakamarami sa kasaysayan, at malaki ang potensyal na makapagsukbit ng isa pa kahit pa natanggal na sa kontensyon ang Beermen matapos sibakin ng sibling rival na Ginebra sa semis.

Sa Best Import derby, nakaipon ng 57.4 SPs ang reigning Best Import na si Hollis-Jefferson ng TNT para malamangan ang karibal na si Justin Brownlee na may 50.9 SPs.

Nag-rehistro si Hollis-Jefferson ng 28.0 puntos, 12.9 rebounds at 6.4 assists sahog pa ang league-best na 2.9 steals at tapal pagkatapos ng semis, kung saan tinalo ng Tropang Giga ang Rain or Shine, 4-1.

Si Brownlee, sa kabilang banda, ay trinangkuhan ang Gin Kings sa bigating 4-2 win kontra sa Beermen sakay ng 28.3 puntos, 9.2 rebounds, 5.8 assists, 1.6 steals at 1.5 tapal na rehistro.

Nasa likod lang ni Fajardo sina Arvin Tolentino ng NorthPort, Robert Bo­lick ng NLEX, kakam­ping si CJ Perez ng SMB, Japeth Aguilar at Scottie Thompson ng Ginebra.

Bida sa scoring si Tolentino na may numerong 23.7 points, 8.3 rebounds at 4.3 assists para sa 37.5 SPs habang hindi naman papahuli si Bolick na may 35.9 SPs na may ave­rages na 19.1 points at 6.2 rebounds.

May 33.9 SPs naman si Perez (17.5 pts, 5.7 rebounds, 5.4 assists, at 1.4 steals) habang tabla sa 32.2 SPs ang magkatambal na sina Aguilar (18.0 points, 6.1 rebounds, 1.4 assists) at Thompson (13.7 points, 6.3 rebounds, 5.7 assists, and 1.2 steals).

Show comments