MANILA, Philippines — Mula sa poetikong duwelo ng mga resident imports hanggang sa ma-alamat na tagisan ng mga all-time great coaches ay kukulo ang aksyon sa pagitan ng reigning champion Talk ‘N Text at Barangay Ginebra ngayon sa inaabangang Game 1 ng 2024 PBA Governors’ Cup finals sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Matapos ang isang linggong buwelo, magtatagpo na sa hardcourt ang dalawang bida sa alas-7:30 ng gabi tampok ang krusyal na unang panalo upang maitakda ang tempo sa best-of-seven titular showdown.
Matamis na higanti ang hangad ng Ginebra matapos mapatalsik sa trono noong nakaraang taon ng TNT, na wala namang balak magpaawat tungo sa back-to-back championship bid.
Mamando sa barko ng dalawang koponan ang matalik na magkaibigan, dating magkasangga sa Alaska, sa Gilas Pilipinas at dalawa sa pinaka-premyadong coaches sa kasaysaysan ng Philippine basketball.
Sa ikapitong finals series ay maghaharap si Tim Cone ng Ginebra at Chot Reyes ng TNT tangka ang misyong mabasag ang kanilang 3-3 tabla sa head-to-head match-ups.
Nakaupo ngayon si Cone bilang head coach ng Gilas habang dating chief tactician ng national team si Reyes. Nagsama sila para sa Gilas coaching staff noong 2023 Southeast Asian Games at FIBA World Cup.
Subalit ang pinakamalaking spotlight ay nasa labanan ng resident imports na sina Justin Brownlee ng Ginebra at Rondae Hollis-Jefferson ng TNT na pawang naturalized players din ng Gilas at Jordan, ayon sa pagkakasunod.
Nagtuos sila sa finals ng Asian Games tampok si Brownlee at ang Gilas bilang kampeon sa unang pagkakataon simula 1962.