Cavs tinuhog ang Pistons para sa 2-0 start

CLEVELAND — Umiskor sina Donovan Mitchell at Dean Wade ng tig-19 points para tulungan ang Cavaliers sa pagtumbok sa 113-101 panalo sa Detroit Pistons.

Humakot si center Jarrett Allen ng 17 points at 11 rebounds para sa kanilang 2-0 record at pang-10 sunod na pagdaig sa Pistons.

Nag-ambag si reserve Ty Jerome ng 10 points at 3 assists sa loob ng walong minuto para sa Cleveland na naghulog ng isang 13-4 bomba para itala ang 10-point halftime lead.

Pinamunuan ni Cade Cunningham ang Detroit sa kanyang 33 markers.

Nakadikit ang Pistons sa eight-point deficit sa fourth quarter bago nagsalpak si Wade ng back-to-back three-point shots sa loob ng 31 segundo para muling ilayo ang Cavaliers sa 105-91 sa 6:17 minuto nito.

Sa Atlanta, humataw si Trae Young ng 38 points at nalampasan ng Hawks ang 34 points at career-best siyam na triples ni LaMelo Ball para igiya ang Hawks sa 125-120 panalo sa Charlotte Hornets.

Sa Orlando, tumipa si Franz Wagner ng 29 points habang may 18 markers ang utol niyang si Mo Wagner sa 116-101 paggupo ng Magic sa Brooklyn Nets.

Show comments