PBA may ayuda sa mga biktima ni ‘Kristine’

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng PBA na ang mabebentang tiket sa Game One ng Season 49 Governors’ Cup Finals ay ibibigay sa mga biktima ng bagyong ‘Kristine’.

Ito ang nagkakaisang sinabi nina PBA Board chairman Ricky Vargas at vice chairman Alfrancis Chua sa press conference ng championship series sa Enderun Colleges sa Taguig City.

“Nag-usap kami ni Commissioner (Willie Marcial), chairman (Vargas), we decided ‘yung Sunday’s game, ‘yung proceeds no’n lahat ido-donate namin. Lahat ‘yon,” sabi ni Chua.

Nakatakda ang Game One ng championship series ng nagdedepensang TNT Tropang Giga at matinik na karibal na Barangay Ginebra sa Linggo sa Ynares Center sa Antipolo City.

“Nandito tayo, preparing for Sunday’s game. And them, they’re there preparing kung may matitirhan sila or makakain pa. Ipagdasal natin sila. Kung sino pang gustong tumulong, nananawagan po ako na tulungan natin ang ating mga kapatid,” dagdag ni Chua sa mga biktima ng bagyong ‘Kristine’.

Show comments