Ika-3 dikit target ng Ateneo sa Adamson

MANILA, Philippines — Haharapin ng Ateneo de Manila University ang Adamson University na ang pakay ay ikadena ang pangatlong sunod na pa­nalo sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, ngayong araw. 

Naitala ng Ateneo ang two-game winning streak ng kalusin nila ang University of Sto. Tomas, 67-64 noong Oktubre 19, una nilang kinaldag ang National University, 70-68, parehong maninipis ang panalo.

Sa alas-2:30 ng hapon magsisimula ang salpukan ng Ateneo at Adamson sunod ang banatan sa pagitan ng University of the Philippines at University of the East sa alas-6:30 ng gabi. 

Muling huhugot ng puwersa si Ateneo head coach Tab Baldwin kina Andrew Bongo at Ian Espinosa na mga naging susi sa panalo nila nang hiyain ang Golden Tigresses sa kanilang bakuran sa UST Quadricentennial Pavilion.

Tumikada si Bongo ng game-high 14 points at pitong rebounds habang bumakas si Espinosa ng 11 markers anim na boards para sa Blue Eagles na nirehistro ang pangatlong panalo sa siyam na laro.

Kasalukuyang kasalo ng Ateneo ang Far Eastern University at Adamson U sa No. 5 sa team standings at dahil may limang laro pa ang nalalabi sa second round ay may pag-asa pa silang sumampa sa magic four.

Show comments