Ginebra tututok na sa Finals

MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ng Barangay Ginebra sa PBA Season 49 Governors’ Cup best-of-seven championship series laban sa Talk ’N Text Tropang Giga.

Umentra sa finals ang Gin Kings nang igupo nito ang San Miguel Beer sa best-of-seven semifinal series sa pamamagitan ng 4-2 desisyon.

Kumuha ang Gin Kings ng inspirasyon sa kabiguan nito sa semis sa nakalipas na Philippine Cup kung saan natalo ito sa Meralco Bolts.

“The last time we were in this semis, we led 3-2, and then we let Game 6 slip away from us and went on to lose Game 7. That (Meralco) team won the championship. No doubt that was on our mind coming to this Game 6,” ani Ginebra head coach Tim Cone.

Pinataob ng Gin Kings ang Beermen sa iskor na 102-99 sa Game 6 ng semis series noong Linggo para maisaayos ang pakikipagtuos sa TNT Tropang Giga sa finals.

“We certainly didn’t want to play a Game 7, and play a team like San Miguel Beer. We’re just like putting all our eggs in one basket and going forth and were just happy we’re back in the Finals,” ani Cone.

Isa si veteran guard Maverick Ahanmisi sa mga pinagkunan ng lakas ng Gin Kings kung saan nagtala ito ng 25 puntos kabilang ang siyam sa final period.

Aminado si Cone na mahihirapan ang tropa nito sa Beermen sakaling umabot pa sa Game 7 ang semis series nito.

 

Show comments