Melencio nagningning sa PAI Swim Series

MANILA, Philippines — Maningning ang kampanya ni Ricielle Maleeka Melencio na humakot ng limang gintong medalya upang masiguro ang Most Outstanding Swimmer (MOS) award sa Philippine Aquatics, Inc. ‘Go Full Speedo’ Swim Series Leg 2 Championships kahapon sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Malate, Manila.

Ibinuhos ni Melencio ang lahat sa huling araw ng kumpetisyon kung saan umani ito ng gintong medalya sa girls 19-over 200-meter backstroke at 1,500-m freestyle para magarbong tapusin ang kampanya nito sa event na inorganisa ng PAI katuwang ang Philippine Sports Commission at Speedo.

Nauna nang namayagpag si Melencio sa 50-m butterfly, 200-m freestyle at 400-m freestyle sa unang araw ng bakbakan.

Bigo si Melencio na mawalis ang anim na events nito matapos pumangatlo lamang sa 100-m back (1:13.70) sa likod ni Dianna Celyn Cruz ng Ilustre East Aquatic na siyang kumana ng ginto tangan ang 1:13.33.

Wagi rin ng MOS awards sina SEA Age Group campaigners Aishel Evangelista, Nicola Queen Diamante, Makoto Nakamura at Sophia Rose Garra.

Nanguna si Evangelista sa boys 14 yrs class matapos umani ng ginto sa 200m back (2:20.94), 100m breaststroke (1:12.91) at 200m free (2:02.40).

Namayagpag naman si Diamante sa girls 14 yrs 200m back (2:49.88), 100m back (1:17.94) at 50m butterfly (31.70) habang wagi si Nakamura sa girls 11yrs 100m breast (1:28.46), 400m free (5:07.25) at 200m freestyle (2:28.75).

Show comments