MANILA, Philippines — Isang higanteng championship rematch ang tangka ng Barangay Ginebra na maikasa kontra sa Talk ‘N Text kung madidispatsa na nito ang sibling rival na San Miguel Beer sa Game 6 ng 2024 PBA Governors’ Cup semifinals ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Tangan ng Gin Kings ang 3-2 kartada at may pagkakataong makumpleto na ang misyon sa alas-7:30 ng gabi upang umabante na sa isa pang best-of-seven series kontra sa Tropang Giga.
Nauna na sa finals ang reigning champion na TNT ni coach Chot Reyes matapos ang 113-95 tagumpay kontra sa Rain or Shine sa Game 5 upang makumpleto ang 4-1 series win.
Matatandaang TNT ang nagpatalsik sa Ginebra sa kanilang trono noong 2023 Governors’ Cup tampok din ang unang talo ni 6-time PBA champion Justin Brownlee ng Gin Kings sa finals dahil kay reigning Best Import Rondae Hollis-Jefferson.
At ngayon, wala nang balak magpaawat ang mga bataan ni coach Tim Cone para masiguro ang tsansang bawi sa Tropang Giga.
Sasakay ang Ginebra sa kumbinsidong 121-92 panalo sa Game 5 upang makuha ang kalamangan tampok ang balanseng atake ng locals sa pangunguna 28 puntos ni rookie RJ Abarrientos.
Halos hindi na kinailangan ng Ginebra ang pambihirang performance ni Brownlee na nagkasya lang sa 18 puntos matapos masayang ang 49 puntos sa 131-121 kabiguan nila sa Game 4.
Muling aasa si Brownlee kina Abarrientos, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Stephen Holt at Maverick Ahanmisi na pare-parehong umiskor ng double digits sa Game 5.
Subalit hindi basta-basta susuko ang Beermen sa pag-asang makapuwersa pa ng Game 7.
Upang magawa ito ay sasandal si coach Jorge Gallent sa import na si EJ Anosike kasama sina 8-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter, Terrence Romeo, Don Trollano at Jericho Cruz.