Mojdeh kasado na para sa World Cup
MANILA, Philippines — Kasado na si multi-gold medalist Micaela Jasmine Mojdeh sa pagsalang nito sa prestihiyosong 2024 World Aquatics (WA) Swimming World Cup na idaraos sa tatlong magkakahiwalay na venues.
Babanderahan ni Mojdeh ang ratsada ng national swimming team sa naturang world meet na magtatampok ng pinakamatitikas na swimmers sa buong mundo.
Isa ang Behrouz Elite Swimming Team (BEST) standout sa 16 swimmers na nagkwalipika sa qualifying event ng Philippine Aquatics Inc. kamakailan sa Rizal Memorial swimming pool.
Ito ang unang pagsalang ni Mojdeh sa seniors division matapos ang matikas na ratsada nito sa juniors class.
Matatandaang nakapasok si Mojdeh sa semifinals ng World Juniors Swimming Championships noong 2022 sa Lima, Peru habang nagtala ito ng national junior record sa parehong world meet noong 2023 sa Netanya, Israel.
“We are so proud of her. It’s her first international tournament as a member of the national team in the seniors division. It’s a good opportunity for her to further hone her skills and learn from some of the world’s best swimmers also seeing action in the World Cup,” ani BEST team manager Joan Mojdeh na ina ni Micaela Jasmine.
Makakasama ni Mojdeh sa World Cup sina Xiandi Chua, Fil-American Cristina Miranda Renner at Chloe Isleta sa women’s division.
- Latest