GSM lumapit sa Finals berth

Ang matinik na jumper ni Barangay Ginebra import Justin Brownlee laban sa depensa ng San Miguel sa Game Five.
PBA Image

MANILA, Philippines — Nakaumang sa finals ang Barangay Ginebra matapos lasingin ang San Miguel, 121-92, sa Game Five ng 2024 PBA Gover­nors’ Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Limang players ang umiskor sa tambak na panalo ng Gin Kings sa pangunguna ng 28 points ni RJ Abarrientos para sa 3-2 lead sa kanilang best-of-three semifinal series ng Beermen.

Matamis na balikwas ito ng Ginebra mula sa 121-131 kabiguan sa Game Four at may tsansang tapusin ang serye bukas sa Game Six para makaabante sa championship series.

Nagdagdag ng 22 points, 8 rebounds, 5 assists at 2 steals si Scottie Thompson, habang may 15 at 13 markers sina Japeth Aguilar at Maverick, ayon sa pagkakasunod.

Naging sapat na ang balanseng atake ng mga locals at hindi na kinailangan pa ang pamamayani ni resident import Justin Brownlee para sa koponan ni coach Tim Cone.

Matapos mapurnada ang 49 points sa Game Four ay nagkasya lang sa 18 points si Brownlee bukod sa 9 rebounds at 7 assists.

Ga-hibla lang ang bentahe ng Ginebra sa first quarter, 34-33, subalit umalagwa sa second period kung saan nila tinambakan ng 12 puntos ang San Mi­guel para makapagtayo ng 63-50 halftime lead.

Bumida para sa SMB si import EJ Anosike na may 21 points, 6 rebounds at 3 assists at may 17 mar­kers si June Mar Fajardo.

Show comments