MANILA, Philippines — Inaabangan na ang pagbabalik-aksiyon ni Alyssa Valdez ng Creamline Cool Smashers sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Nasilayan na sa training ng Cool Smashers si Valdez base sa mga videos na lumabas sa social media.
Kaya naman mas lalong naging excited sa mga fans ng Cool Smashers dahil magbabalik na ang tinaguriang ‘phenom’ ng Philippine volleyball.
Aminado si Valdez na sumasagi na sa isipan nito ang pagreretiro sa volleyball.
Ilang kumperensiya nang hindi nakapaglaro si Valdez dahil nagpapagaling pa ito sa injury.
Kaya naman bago isipin ang retirement, nais muna ni Valdez na makabalik sa aksiyon upang tulungan ang Cool Smashers na makasungkit ng korona sa PVL.
Wala naman nang dapat pang patunayan si Valdez dahil maningning na ang volleyball career nito sapul pa noong naglalaro ito sa collegiate level.
Tinulungan nito ang Ateneo de Manila University na masungkit dalawang korona sa UAAP at itinanghal itong Season MVP ng tatlong beses noong Season 70, Season 71 at Season 72.