ROS gusto nang tapusin ng TNT

Inaasahan ang muling pagdomina ni June Mar Fajardo ng San Miguel sa Ginebra sa Game Five.

MANILA, Philippines — Hindi na paaawat ang reigning Talk ‘N Text sa tangkang pagmartsa sa finals habang mag-uunahang mamuro ang San Miguel at Barangay Ginebra sa Game 5 ng umaatikabong best-of-seven semifinals ng 2024 PBA Governors’ Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Nakaumang sa title defense bid ang Tropang Giga matapos ang pambihirang 81-79 panalo sa Game 5 hawak ngayon ang 3-1 bentahe at wala nang balak pang bigyan ng pagkakataon ang Rain or Shine Elasto Painters sa main game sa alas-7:30 ng gabi.

Magkabuhol naman sa 2-2 ang Beermen at Gin Kings at kung sino mang lulusot sa Game 5 ay makakalapit nang isang hakbang mula sa cham­pionship series.

Nakaiwas sa 1-3 deficit ang SMB matapos ang 131-121 panalo sa Game 4. Higanti nila ito mula sa 99-94 kabiguan sa Game 3. Wagi ang Beermen sa Game 2 sa overtime, 131-125, matapos tumaob sa Game 1, 122-105.

Tangka ngayon ng Beermen na baliktarin ang ikot ng tagay sa seryeng wala pang nakakadalawang sunod na panalo.

“I just hope we change the tide in Game 5. Now nga, it’s a best-of-three na lang so we’ll just think of it na Game 1 ito. In a best-of-three, Game 1 is very important, so I just hope tradition breaks,” pahayag ni Beermen mentor Jorge Gallent.

Subalit ang pinakama­laking tsansa ay nasa kampeon na Tropang Giga na bagama’t tanaw na ang finals ay ayaw muna magpa-kampante lalo’t inaasahan ang balikwas ng Elasto Painters.

“That’s far from our minds right now. Our thought is the preparation for the next game,” ani TNT coach Chot Reyes na sumandal sa game-winning dunk ni reigning Best Import Rondae Hollis-Jefferson sa Game 4.

Show comments