Lady Blazers ikakasa ang playoffs vs Lady Stags

MANILA, Philippines — Walang ibang nasa kukote ng College of Saint Benilde kundi kalusin ang San Sebastian College-Recoletos upang makuha ang huling playoffs slot sa Pool D sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship na lalaruin sa Rizal Memorial Coliseum, ngayong araw.

Magsisimula ang paluan ng CSB at ng SSC-R sa alas-11:30 ng umaga.

Binulaga ng Saint Benilde ang matikas na Adamson University sa tatlong sets, 25-13, 25-22, 25-19, noong Miyerkules upang ilista ang 1-1 karta sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water. 

Ang panalo ng three-time NCAA champion sa San Sebastian ang susi para makausad sa susunod na round kasama ang pool leader na FEU.

“Lalaban and lalaro lang kami. Sabi ni coach (Jerry Yee) stick lang sa plano,” wika ni Lady Bla­zers prized winger Mary Grace Borromeo.

Si Borromeo na galing sa Adamson program ay nagpakawala ng 10 points para akbayan ang Lady Blazers kontra sa dating koponan sa event na katuwang ang Smart Sports, PLDT Fibr, Mikasa, Asics, Rebel Sports, Eurotel, Victory Liner, Commission on Higher Education (CHED), Philippine Sports Commission (PSC), at SM Tickets bilang technical partners.

Sa iba pang laro magsasagupa ang Mapua at Perpetual sa ala-1 ng hapon, magbabanatan ang UP at JRU sa alas-3:30 ng hapon habang maghaharap ang Arellano at NU sa alas-6:30 ng gabi.

Show comments