Jovelyn pasok sa Thunderbells

Jovelyn Gonzaga.

MANILA, Philippines — Nagpalakas ng lineup ang ZUS Coffee Thunderbelles na handang ma­ki­pag­bakbakan sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference na papalo sa susunod na buwan.

Hinugot ng Thunderbelles si opposite spiker at dating Most Valuable Pla­yer (MVP) Jovelyn Gonzaga upang mas maging solido ang frontline nito.

Pormal nang inanunsiyo ng pamunuan ng Thunderbelles ang pagkuha nito kay Gonzaga kahapon sa kanilang mga social media accounts.

Mainit itong tinanggap ng Thunderbelles na magsisilbi nitong bagong pamilya sa PVL.

“Welcome to the ZUS family, ‘Bionic Ilongga’,” ayon sa post ng Thunderbelles.

Huling naglaro si Gonzaga kasama ang Cignal HD Spikers sa 2024 All-Filipino Conference.

Una nang nagparamdam ang Thunderbelles nang ilabas nito sa kanilang social media na magiging official sponsor ito ni Gonzaga noong Agosto.

“We’re thrilled to announce that we’re now the official sponsor of Jovelyn Gonzaga. Jovelyn dominates the volleyball court with her strength and passion,” ayon sa post ng ZUS.

Malaki ang maitu­tulong ni Gonzaga sa Thunderbelles lalo pa’t malalim ang karanasan nito na maibabahagi nito sa kanyang mga bagitong teammates.

Makakasama ni Gonzaga sa Thunderbelles sina Cloanne Mondonedo, Gayle Pascual at Michelle Gamit.

“Whether she’s spi­king for a win or serving her country, she embo­dies the spirit of resilience and excellence. Here’s to empo­wering greatness together Jovelyn,” ayon pa sa post ng ZUS.

Show comments