Huling playoffs berth pakay ng Adamson sa CSB sa SSL

MANILA, Philippines — Pakay sikwatin ng Adamson University ang huling slot para sa Pool D playoffs berth kontra sa College of Saint Benilde sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship na lalaruin sa Rizal Memorial Coliseum ngayong araw.

Magsisimula ang sagupaan sa alas-6 ng gabi kung saan nais ng Lady Falcons na samahan ang pool lea­der Far Eastern University na umusad sa susunod na round sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.

Malinis sa tatlong panalo ang Tamaraws, may 1-1 karta ang Lady Falcons habang 0-1 card ang Lady Blazers at 0-2 ang record ng San Sebastian College Recoletos.

Natisod ang Adamson sa huli nilang laro laban sa Lady Tamaraws 25-16, 22-25, 33-31, 20-25, 13-15 kahit tumikada ang kanilang kamador na si ace hitter Shaina Nitura noong Sabado.

Yumuko ang three-time NCAA champion, Saint Benilde sa unbeaten FEU (3-0), 17-25, 25-21, 16-25, 19-25, noong Oktubre 6.

Samantala, makakalaban ng Ateneo de Manila University ang laglag na rin na Emilio Aguinaldo College sa alas-3:30 ng hapon sa Pool A habang magkakaldagan ang parehong wala ng pag-asang umusad sa susunod na phase na Pool B teams na Lyceum of the Philippines University at University of Perpetual Help System Dalta sa ala-1 ng hapon.

Show comments