MANILA, Philippines — Patuloy ang maningning na kampanya ng Pilipinas nang umani pa ito ng dalawang gintong medalya sa 2024 Asian Kickboxing Championships na ginaganap sa Phnom Penh, Cambodia.
Nagdagdag ng ginto sina Paris Olympics veteran Hergie Bacyadan at Carlo Von Buminaang matapos mamayagpag sa kani-kanyang events.
Ito ang unang torneo ni Bacyadan sapul nang sumabak ito sa 2024 Olympic Games boxing competitions noong Agosto sa Paris, France.
Inilatag ni Bacyadan ang malalim nitong karanasan upang pagreynahan ang women’s K1 -70 kilogram division kung saan nanaig ito laban kay Teng Jinwei ng China.
“We just bagged the gold medal! Congrats to all of us, Pinas,” pahayag ni Bacyadan sa kanyang social media account matapos makuha ang gintong medalya.
Nakapasok sa finals si Bacyadan nang gapiin nito si Raksa Samnang ng Cambodia kung saan tatlong beses nitong napatumba ang hometown bet.
Sa kabilang banda, humirit din ng ginto si Buminaang nang dominahin nito ang men’s 67kgs lowkick category.
Ito ang ikaapat na gintong medalya ng Pilipinas sa torneo.