MANILA, Philippines — Tatangkaing pumuro ng reigning champion Talk ‘N Text kontra sa nanganganib na Rain or Shine sa Game 3 ng 2024 PBA Governors’ Cup best-of-seven semifinal series ngayon sa Dasmariñas Arena sa Cavite.
Komportableng hawak ng Tropang Giga ang 2-0 abante subalit ayaw magpa-kumpyansa sa main game sa alas-7:30 ng gabi para sa pagkakataong makalapit ng isang hakbang mula sa misyong madepensahan ang korona sa finals sa ilalim din ng best-of-seven format.
“We cannot take our foot off the pedal. It’s nice to be up 2-0 but it takes 4 to get to the next stage. Our entire discussion after this is to continue trying to figure out what their adjustments will be next game and keep putting our foot on the pedal,” ani TNT mentor Chot Reyes.
Nakapagtayo ang TNT ng higanteng bentahe matapos ang 108-91 panalo sa Game 2 kasunod ng 90-81 panalo sa Game 1.
Subalit sa kabila nito, hindi basta-basta susuko ang mga bataan ni coach Yeng Guiao.
“We will never lose hope. We’re looking to win one game first,” aniya.
“Survival mode ka na. When you’re down 0-2, survival mode ka na. We just want to win one game and hope the momentum shifts. Yun ang objective namin. We just want to win one game and hope we can turn it around.”
Sa kabilang banda, mag-uunahan sa 2-1 lead ang Barangay Ginebra at San Miguel na tabla ngayon matapos ang pambihirang 131-125 overtime win ng Beermen sa Game 2 upang makaiwas sa 0-2 deficit.
“We just tied the series and now we have to work harder,” babala ni SMB coach Jorge Gallent na inaasahan ang balikwas ng Gin Kings.