MANILA, Philippines — Sumipa ang national kickboxing team ng maningning na dalawang gintong medalya sa Asian Kickboxing Championships na ginaganap sa Phnom Penh, Cambodia.
Nanguna sa kampanya ng Pinoy squad si Jovan Medallo na siyang nagbigay ng unang dalawang gintong medalya ng tropa sa naturang torneo.
Pinagharian ni Medallo ang Musical Forms with Weapon kung saan nagrehistro ito ng 28.3 puntos para patumbahin sina Chinese-Taipei bets Chi Hsuan Yu at Chiu Ta-Ting na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Kasunod nito ang pamamayagpag ni Medallo sa Musical Form Open Hand para makuha ang kanyang ikalawang ginto.
Naglista si Medallo ng 28.6 points para muling pataubin si Chi na nagtapos sa ikalawang puwesto at Fatwa Ramadhan ng Indonesia na siyang nakakuha ng tanso.
Nakahirit pa si Medallo ng tanso sa Creative Form with Weapon event.
Umani naman si Janah Lavador ng tatlong tanso sa Musical Forms (With at Without Weapon) at Creative Form with Weapon.
Sa kabuuan, may dalawang ginto at 10 tanso na ang PHL team sa Asian meet.