2-0 lead inangkin ng Tropang Giga

Ang layup ni Calvin Oftana ng TNT Tropang Giga laban kay Gian Mamuyac ng Rain or Shine sa Game Two.
PBA Image

MANILA, Philippines — Rumatsada ang reig­ning champion na TNT Tropang Giga sa third quarter upang kaldagin ang Rain or Shine, 108-91, Sa Game Two at ita­yo ang 2-0 abante sa ka­nilang best-of-seven semifinal series sa 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nag-akbay sina Calvin Oftana at Rey Nambatac sa 38-21 bulusok ng Tropang Giga pagkatapos ng halftime para tulungan si reigning Best Import Rondae Hollis-Jefferson sa 17-point win.

Mas kumbinsido ito kaysa dikit na 90-81 pana­lo nila sa Game One.

“If we’re make able to make stops, it really fuels our offense. Iyon ang la­ging mindset namin and we made defensive adjustments at halftime,” ani coach Chot Reyes.

Kumamada ng 23 points, 8 rebounds at 2 assists si Hollis-Jefferson.

Humakot ng 18 points at 14 rebounds si Ofta­na, habang ibinuhos ni Nambatac ang 11 sa kanyang 17 markers sa final canto.

Samantala, sinuspinde ng PBA si John Amores ng NorthPort sa kabu­uan ng darating na Commissioner’s Cup na walang bayad matapos ang kanyang pagkakasangkot sa barilan sa Laguna nitong nakaraang buwan.

Ipinapaubaya na ng PBA sa mga orotidad at kor­te ang imbestigasyon at hatol sa naturang kaso ni Amores subalit nilinaw na ang desisyon ay para lamang sa paglabag nito sa Uniform Players Contract (UPC).

Mananatili ang kanyang suspensyon kung sakali mang maibasura ang kanyang kaso. habang mas lalo itong titindi kung mapatunayan ang pagkakasala niya.

Kaila­ngan ni Amores ng counselling at ma­ka­kuha ng clearance sa mga counsellors na ap­rubado ng PBA bago ma­kabalik sa liga.

Show comments