Biado, Chua abante sa zsusunod na round

MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na tinalbos ni Pinoy cue artist Johann “Bubwit” Chua si Phuong Nam Pham, 9-4 ng Vietnam sa Round 3 ng winners qualification sa Hanoi Open Pool Championship, 2024 na nilalaro sa Hanoi Indoor Games Gymnasium, Vietnam kahapon.

Swak sa susunod na phase si former World Cup of Pool ruler Chua matapos makapagtala ng tatlong sunod na malinis na panalo sa event na nakataya ang $200,000 prize fund.

Kinaldag muna ng 32-anyos na si Chua sina Vietna­mese pool players Luong Van Nam, 9-5 sa Round 1 at Ta Van Linh, 9-7 sa Round 2 bago sumampa sa Round 3.

Hindi rin nagpadaig si two-time WPA World Championship king Carlo Biado matapos ilampaso si Salvador Garcia, 9-2 ng Spain upang ikadena rin ang tatlong sunod na panalo.

Bago tumuntong sa round 3 si Biado ay pinagulong muna nito sina Chinese Taipei bets Wang Chih-Yung, 9-4 at Sun Yi Hsuan, 9-6 sa rounds 1 at 2, ayon sa pagkakasunod.

Dahil sa kanilang pa­nalo, lumalakas ang tsansa nina Chua at Biado sa inaasam na korona sa event na nakalaan ang $30,000 premyo para sa magkakampeon.

Nanalo rin sa Round 3 sina Jerson Cumayas kontra Liu Ri Teng, 9-4 ng Taiwan, Bernie Regalario laban kay Lin Shih Kai, 9-5 ng Chinese Taipei at Albert Manas na pinayuko si Mickey Krause, 9-8 ng Denmark.

Ang ibang Pinoy bets na tumumbok ng malinis na tatlong panalo ay sina many-time Southeast Asian Games gold meda­list, Lee Vann Corteza, Patric Gonzales at Jefrey Roda.  

Show comments