MANILA, Philippines — Sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament noong nakaraang taon ay isang panalo lamang ang nailista ng Letran College.
Ngayong Season 100 ay isinara ng Knights ang first round bitbit ang 6-3 record katabla sa ikalawang puwesto ang Mapua Cardinals at nagdedepensang San Beda Red Lions sa ilalim ng lider na St. Benilde Blazers (7-2).
“Siguro sa akin, sinimulan ko lang sa pag-uugali kasi ‘yung mga techniques, lahat ng basketball coaches dito ang gagaling. Aral na aral so in terms of X’s and O’s, naniniwala ako na malalim ‘yung kaalaman nila,” ani coach Allen Ricardo.
Hangad solohin ang second spot sa second round, lalabanan ng Letran ang Lyceum of the Philippines University ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang salpukan ng University of Perpetual Help System DALTA at Emilio Aguinaldo College sa alas-2:30 ng hapon sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Tinapos ng Knights ang first round sa 78-66 pagtusok sa Pirates tampok ang 19 points ni Jimboy Estrada, habang tumipa si Kevin Santos ng 17 points, 11 rebounds, 3 blocks at 2 assists.
Samantala, target ng Generals (4-5) na masundan ang kanilang 73-71 paggulat sa Blazers, habang pipilitin ng Altas (4-5) na makabangon mula sa three-game losing skid.
“Ang pinakaimportante kasi ‘yung prosesong dinadaanan ng team. Suwerte kami doon kasi nadaanan na namin. Maybe sa second round baka ibang-iba,” sabi ni EAC mentor Chico Manabat.
Nakalasap ang Perpetual ng 62-63 kabiguan sa San Beda sa huli nilang laro.