Blazers ibinaling ang galit sa Heavy Bombers

Kinalabaw ni center Allen Liwag ng Blazers ang mga Heavy Bombers sa ilalim.

MANILA, Philippines — Bumalikwas sa naunang kabiguan ang College of St. Benilde para gibain ang Jose Rizal University, 84-69, sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Kumamada si guard Jhomel Ancheta ng 17 points para muling itaas ang baraha ng Blazers sa 7-2, habang lugmok ang Heavy Bombers sa 3-6.

Nagdagdag si Gab Cometa ng 15 markers at humakot ng 12 points at 10 rebounds si team captain Mark Sangco.

Nagmula ang Taft-based cagers sa 71-73 pag­yukod sa Arellano Chiefs.

“I think the guys are still gaining more experience kapag mga endgame na crucial. I think these games are good for us,” ani coach Charles Tiu sa St. Benilde na nagtayo ng 26-point lead, 55-29, sa dulo ng second quarter.

Tinangka ng Jose Rizal na makahabol sa pag-iskor ng 22 points sa fourth p­eriod kasabay ng pagli­mita sa tropa ni Tiu sa 14 markers. Ngunit hindi ito naging sapat para maagaw nila ang panalo.

Bumanat si team captain Joshua Guiab ng career-high 24 points kasama ang 11 sa final canto para sa Heavy Bombers.

Sa ikalawang laro, iniskor ni team captain Yukien Andrada ang lima sa kanyang 18 points sa overtime sa 76-69 pagdaig ng nagdedepensang San Beda University sa Mapua University sa kanilang finals rematch.

Ang ikatlong dikit na pananalasa ng Red Lions ang nagtabla sa kanila sa Cardinals at Letran Knights sa magkakatulad na 6-3 baraha sa ilalim ng Blazers.

 

 

Show comments