ROS paghahandaan ang TNT
MANILA, Philippines — Isa nalang ang hinihintay para umandar ang Final Four bus ng 2024 PBA Governors’ Cup.
At isang independent team ang nakasampa sa katauhan ng Rain or Shine upang sikwatin ang ikatlong puwesto at magkaroon ng karapatang hamunin ang reigning champion na Talk ‘N Text sa best-of-seven semifinal series simula ngayong linggo.
Numero unong koponan ang Rain or Shine sa Group B ng elimination rounds hawak ang 7-3 kartada subalit muntikan pang hindi makaabot ng semifinals kontra sa No. 4 seed ng Group A na Magnolia.
Sa kabutihang palad ay nakuha pa rin mga bataan ni coach Yeng Guiao ang huling halakhak nang paamuhin ang Hotshots sa winner-take-all Game 5, 113-103.
“Hindi sila bumigay under pressure. Proud ako sa team. They competed and fought it out. It’s the fighting heart of these guys,” ani Guiao.
Nakauna ang RoS sa Game 1 hanggang sa magpalitan na sila ng Magnolia ng panalo upang mauwi sa huling duwelo ang best-of-five quarterfinal series.
Ang naturang karakter at tatag ng Elasto Painters, kahit karamihan ay bagitong players pa lang, ang inaasahang sandalan ni Guiao sa mas malaking hamon sa semis kontra sa TNT.
Sa pangunguna ni Aaron Fuller, mapapalaban nang matindi ang Elasto Painters kontra kay reigning Best Import Rondae Hollis-Jefferson at Tropang Giga na kinaldag ang NLEX sa kanilang serye, 3-2.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nagpapangbuno pa ang San Miguel at Converge sa parehong winner-take-all Game 5 para sa huli at ikaapat na tiket sa semifinals.
Sinumang lulusot ay mapapasabak sa crowd darling na Barangay Ginebra na halos hindi pinawisan sa pagwalis sa Meralco sa kabilang bracket.
- Latest