Binibini nagdomina sa Handicapping race

MANILA, Philippines — Nasilayan ng mga karerista ang tikas ng Binibini sa pista matapos rampahin ang PHILRACOM Ra­ting Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.

Sinakyan ni jockey JC Dela Cruz, nirehistro ng Binibini ang tiyempong 1:31.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Luis Chuidian ang P10k added prize.

Napalaban ng todo ang Binibini bago masungkit ang panalo, dumiskarte ang kanyang hinete na si Dela Cruz para maitaguyod sa panalo ang kanyang sakay.

Segundong tumawid ng meta ang Dollarama, tersero ang Heaven N Earth habang pang-apat ang Color Blast sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).

Nasikwat naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,000 habang P1,000 ang naibulsa ng Dollarama na ginabayan ni GL Siego.

“Maganda ang ipinakitang takbo ni Binibini parang kahit ulitin ang laban ay siya pa rin ang mananalo,” ani Celsolomon Romulo, veteran karerista.

Hinahanda na ang Binibini para sa susunod niyang laban kaya tiyak na aabangan ito ng mga karerista.

Show comments