MANILA, Philippines — Tinuldukan ng University of Santo Tomas ang two-game skid matapos kalmutin ang 83-72, panalo kontra Far Eastern University kahapon sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mahalaga ang panalo ng Growling Tigers dahil tinapos nila ang first round assignments na galing sa panalo at ilista ang 4-3 record.
Best record din ng UST sa first round sapul noong Season 82 kung saan ay nakapagtala lamang sila ng tatlong panalo sa Season 84, isang panalo sa Season 85 at dalawa sa Season 86.
“It’s a big win for us coming from a two-game losing streak. Yung response ng team to stop the streak as in sama-sama lang sila kanina and nagfocus kami sa defense,” ani Growling Tigers assistant coach Japs Cuan.
Lamang ng 10 puntos sa kalagitnaan ng fourth quarter, natapyasan sa lima ang bentahe ng Growling Tigers matapos umiskor ng limang sunod na puntos ang Tamaraws mula sa dalawang free throws at isang three-pointer ni Veejay Pre 75-70 may 1:57 na lang sa orasan.
Pero hindi nasira ang diskarte ng UST, kumana si Nic Cabañero ng layup at sinundan ng back-to-back baskets kay Mo Tounkara para ilayo muli ang iskor sa 81-70.
Impresibo ang naging laro nina Tounkara at Padrigao para sa Growling Tigers, tumapos sila pareho ng double-double.
Nirehistro ni Tounkara ang 21 points at 17 rebounds habang nag-ambag si Padrigao ng 14 markers at 11 assists para sa UST.
Namuno naman sa opensa para sa FEU si Jorick Bautista na nilista ang 17 markers, nalasap ng Tamaraws ang pang-anim na talo sa pitong laban.