MANILA, Philippines — Muling umangat ang Pilipinas sa internatonal scene matapos sumipa si Tachiana Mangin ng gintong medalya sa prestihiyosong 2024 World Taekwondo Junior Championships na ginaganap sa Chuncheon, South Korea.
Inilabas ni Mangin ang buong lakas nito para isa-isang patalsikin ang matitikas na karibal para pagreynahan ang women’s 49-kilogram category.
Kabilang sa panalo ni Mangin ang pananaig nito kay hometown bet Kim Hyang-gi kung saan naitarak nito ang 14-8, 3-4, 7-6 panalo sa three rounds.
Gumawa ng kasaysayan si Mangin dahil ito ang kauna-unahang Pilipino na nakasungkit ng gintong medalya sa World Taekwondo Junior Championships.
Kaya naman hindi maitago ni Mangin ang saya nang makuha nito ang korona sa kanyang dibisyon.
Naging madali ang daang tinahak ni Mangin para makapasok sa semis.
Hindi na pinagpawisan pa si Mangin dahil nanalo ito via walkover kontra kay Lamprini Anna Asimaki ng Greece na nagtamo ng injury dahilan para hindi na ito makalaro pa sa semis.
Proud naman ang Philippine Taekwondo Association (PTA) sa tagumpay ni Mangin na isa sa itinuturing na magiging future ng Philippine taekwondo.
Kasama rin sa mga pinatalsik ni Mangin sina Judith Cordoba ng Spain sa round of 32, Natkamon Wassana ng Thailand sa round of 16 at Habiba Wael Emerah ng Egypt sa quarterfinals.