Huling bakbakan ng Rain or Shine, Magnolia

Maghaharap ang Rain or Shine at Magnolia sa hu­ling pagkakataon sa Game Five.
PBA Image

MANILA, Philippines — Magtutuos ang Rain or Shine at Magnolia sa hu­­ling duwelo ng kanilang ba­likatang best-of-five quarterfinal series para sa tiket sa Final Four ng 2024 PBA Governors’ Cup sa Ynares Center sa An­tipolo City.

Kukulo ang aksyon nga­­yong alas-7:30 ng gabi para sa win-or-go home match matapos magpalitan ng suntok sa unang apat na laro.

Baliktan ang Elasto Painters at Hotshots tampok ang Game 1, 109-105, at Game 3, 111-106 (OT) pabor sa RoS, habang na­iskor ng Magnolia ang 121-69 at 129-100 panalo sa Games 2 at Game 4, ayon sa pagkakasunod, pa­ra makapuwersa ng ‘winner-take-all’ Game 5.

Nakataya sa huling bak­­bakan ang karapatang makaharap ang reig­ning champion TNT Tropang Giga sa best-of-seven se­mifinals series simula sa susunod na linggo.

Sa katunayan ay pabor sa Rain or Shine ang ser­ye bilang No. 1 seed ng Group B taliwas sa Magnolia na nagkasya lang sa No 4 seed ng Group A.

Subalit nasa kampo ni coach Chito Victolero ang momentum matapos ang pambihirang panalo sa Game 4 bagama’t wala pang kasiguruhan kung makakapaglaro ang isa sa ace players nitong si Zav Lu­cero.

Nasa concussion pro­to­col si Lucero matapos ang masamang bagsak sa Game 3 na halos hindi naman ininda ng Hotshots sa sumunod na laro matapos ang 29-point win sa pa­­ngunguna nina import Ja­bari Bird at ace guard Paul Lee.

Nandoon man o wala, pareho ang magiging preparasyon ng Elasto Pain­ters ni coach Yeng Guiao upang mapatunayang sila ang No. 1 seed.

Upang magawa ito ay sa­sandal si Guiao kay import Aaron Fuller kasama sina Andrei Caracut, Gian Mamuyac, Jhonard Cla­rito, Adrian Nocum, Caelan Tiongson at Felix Pangilinan-Lemetti pati na ang mga beteranong sina Gabe Norwood at Beau Belga.

Haharang sa kanilang da­an sina Mark Barroca, Ian Sangalang, Jerrick Ahanmisi, Calvin Abueva, Aris Dionisio at Rome Dela Rosa upang samahan sina Bird, Lee at kung sa­ka­li ay si Lucero.

 

Show comments