Huling bakbakan ng Rain or Shine, Magnolia
MANILA, Philippines — Magtutuos ang Rain or Shine at Magnolia sa huling duwelo ng kanilang balikatang best-of-five quarterfinal series para sa tiket sa Final Four ng 2024 PBA Governors’ Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kukulo ang aksyon ngayong alas-7:30 ng gabi para sa win-or-go home match matapos magpalitan ng suntok sa unang apat na laro.
Baliktan ang Elasto Painters at Hotshots tampok ang Game 1, 109-105, at Game 3, 111-106 (OT) pabor sa RoS, habang naiskor ng Magnolia ang 121-69 at 129-100 panalo sa Games 2 at Game 4, ayon sa pagkakasunod, para makapuwersa ng ‘winner-take-all’ Game 5.
Nakataya sa huling bakbakan ang karapatang makaharap ang reigning champion TNT Tropang Giga sa best-of-seven semifinals series simula sa susunod na linggo.
Sa katunayan ay pabor sa Rain or Shine ang serye bilang No. 1 seed ng Group B taliwas sa Magnolia na nagkasya lang sa No 4 seed ng Group A.
Subalit nasa kampo ni coach Chito Victolero ang momentum matapos ang pambihirang panalo sa Game 4 bagama’t wala pang kasiguruhan kung makakapaglaro ang isa sa ace players nitong si Zav Lucero.
Nasa concussion protocol si Lucero matapos ang masamang bagsak sa Game 3 na halos hindi naman ininda ng Hotshots sa sumunod na laro matapos ang 29-point win sa pangunguna nina import Jabari Bird at ace guard Paul Lee.
Nandoon man o wala, pareho ang magiging preparasyon ng Elasto Painters ni coach Yeng Guiao upang mapatunayang sila ang No. 1 seed.
Upang magawa ito ay sasandal si Guiao kay import Aaron Fuller kasama sina Andrei Caracut, Gian Mamuyac, Jhonard Clarito, Adrian Nocum, Caelan Tiongson at Felix Pangilinan-Lemetti pati na ang mga beteranong sina Gabe Norwood at Beau Belga.
Haharang sa kanilang daan sina Mark Barroca, Ian Sangalang, Jerrick Ahanmisi, Calvin Abueva, Aris Dionisio at Rome Dela Rosa upang samahan sina Bird, Lee at kung sakali ay si Lucero.
- Latest