Serye isasara na ng Beermen

Mas matinding bakbakan ang inaasahan sa pagitan ng SMB at Converge sa Game 4.
PBA Image

MANILA, Philippines — Tiket rekta sa semifinals ang pakay ng San Miguel Beer, habang tangka ng Converge na makapu­wersa ng decider sa krusyal nilang sagupaan sa Game 4 ng 2024 PBA Governors’ Cup quarterfinals ngayon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.

Magpapangbuno ang Beermen at FiberXers sa alas-7:30 ng gabi para sa lone game ng isang best-of-five quarterfinal bracket matapos na masikwat ng Barangay Ginebra ang unang tiket.

Winalis ng Gin Kings ang karibal na Meralco Bolts, 3-0, sa kanilang sari­ling pairing upang maitakda ang best-of-seven semifinal series kontra sa mananalo sa pagitan ng Beermen at FiberXers.

At may tsansa ang SMB na maisakatuparan na ito kung malulusutan ang palabang Converge.

Sa katunayan ay namuro ang Beermen sa natu­rang misyon sa Game 3 para sana sa parehong 3-0 sweep pero nilustay nito ang higanteng 27-point lead tungo sa kabiguan.

Ibinuslo ni Alec Stockton ang game-winning jumper upang makumpleto ang comeback win ng FiberXers at wala silang balak na magpaawat sa Game 4 para makahirit pa ng winner-take-all na Game 5.

Subalit gigil din ang Beermen na kagagaling lang din sa dikit na 81-87 pagkatalo kontra sa Suwon KT Sonicboom sa opener ng 2024-2025 East Asia Super League.

Sa kabilang bracket naman, pasok na sa semifinals ang reigning champion na Talk ‘N Text matapos ang 3-1 series win kontra sa NLEX.

Makakaharap ng Tropang Giga ang mananalo sa pagitan ng Rain or Shine at Magnolia na magtutuos sa Game 5 ng kanilang serye bukas sa Antipolo.

Nakahirit ng Game 5 ang Hotshots matapos ang 129-100 panalo kontra sa Elasto Painters sa Game 4.

Show comments