Tropang Giga ‘di namimili ng kalaban sa semis
MANILA, Philippines — Swak na ang nagdedepensang TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra sa best-of-seven semifinals series ng PBA Season 49 Governors’ Cup.
At ang kanilang makakasagupa na lamang ang hinihintay nila.
Sinibak ng Tropang Giga ang NLEX Road Warriors, 3-1 habang winalis ng Gin Kings ang karibal na Meralco Bolts, 3-0, sa kani-kanilang best-of-five quarterfinals showdown.
Ang magwawagi sa Rain or Shine at Magnolia ang sasagupa sa TNT at ang mananalo sa San Miguel at Converge ang lalaban sa Ginebra sa semifinals.
Ayon kay Tropang Giga coach Chot Reyes, hindi sila mamimili kung sino sa Elasto Painters at Hotshots ang haharapin nila sa semis.
“Whichever we play will be a much different team, and it will be a test for our flexibility and adaptability. It will be a big test for our defense,” ani Reyes.
Itinabla ng Magnolia ang kanilang serye ng Rain or Shine sa 2-2 matapos ang 129-100 panalo sa Game Four tampok ang 30 points ni import Jabari Bird at 25 markers ni Paul Lee.
“I think the players were so focused. They wanted to have another chance on Saturday,” wika ni Hotshots mentor Chito Victolero sa deciding Game Five nila ng Elasto Painters sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bukas naman magtutuos ang Beermen at FiberXers para sa Game Four sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Diniskaril ng Converge ang tangkang sweep sa kanila ng SMB nang agawin ang 114-112, kung saan isinalpak ni Alex Stockton ang isang buzzer-beater jumper.
- Latest