Cardinals sinolo ang 2nd place

Nagpumilit umeskapo si Clint Escamis ng Cardinals laban sa isang Chiefs defender.
NCAA photo

MANILA, Philippines — Sinolo ng Mapua University ang second spot matapos patumbahin ang Arellano University, 77-71, sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Bumira si reigning MVP Clint Escamis ng 12 points sa fourth quarter para tulungan ang Cardinals sa pagtatala ng 6-2 record at inilaglag ang Chiefs sa 2-6.

Tumapos si Escamis na may 15 markers, 8 assists, 5 rebounds at 4 steals para banderahan ang ikatlong sunod na ratsada ng Mapua.

Umiskor din si Chris Hubilla ng 15 points habang may 10 markers si Cy Cuenco.

Naisuko ng Mapua ang hawak na 71-59 kalama­ngan matapos makadikit ang Arellano sa 71-72 mula sa inihulog na 12-1 bomba tampok ang putback ni Lorenz Capulong sa hu­ling 38.5 segundo ng third quarter.

Ang breakaway layup ni Escamis ang muling naglayo sa Cardinals sa 74-71 sa natitirang 16.3 segundo kasunod ang kanyang dalawang free throws para selyuhan ang kanilang panalo.

Pinamunuan ni Capulong ang Chiefs sa kanyang 19 points at may 18 at 11 markers sina Renzo Abiera at Jerico Camay, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, nilusutan ng Lyceum of the Philippines University ang University of Perpetual Help System DALTA, 64-62.

Isinalpak ni Joshua Moralejo ang krusyal na triple sa huling 5.4 segundo para sa 63-62 bentahe ng Pirates patungo sa pagpoposte ng kanilang 4-4 baraha at tapusin ang four-game lo­sing slump.

Nahulog ang Altas sa kanilang ikalawang dikit na kabiguan para sa parehong marka.

 

Show comments